Thursday, December 7, 2006

MAGNANAKAW NG MANOK, PUMAPATAY NA RIN

Remate (December 5, 2006)
SENYALES ni Rolando S. Luzong

MAGNANAKAW NG MANOK,
PUMAPATAY NA

SA ISANG LUGAR SA METRO MANILA : Masayang pinagpapartehan ng mga magnanakaw ng mga manok-panabong ang pinagbentahan ng kanilang mga nakulimbat habang masayang nag-iinuman at nagtatawanan at pinagkikuwentuhan ang kanilang ginawa.

SA ISANG MALIIT NA TAHANAN SA BULACAN : Hindi mapigil ang pag-iyak ng pamilya, mga kamag-anak, mga kaibigan at mga katrabaho ng isang tagapagpatuka ng manok na ang labi ay kasalukuyang nakaburol at pinaglalamayan matapos siyang paslangin ng mga magnanakaw ng manok na tumanagay ng may 58 tinale na pag-aari ng kanyang amo.

Bagama’t nakalungkot na isipin ang ganitong mga kaganapan, dapat lamang nating harapin na ganito na ang kadalasang nangyayari sa kasalukuyan. Kung dati nang malaking suliranin ang mga nakawan ng manok, mas grabe na ang mga nangyayari nitong mga nakaraang buwan dahil pumapatay na rin sila.

Isang buhay ang nautas mga apat na araw pa lamang ang nakakalipas sa lalawigan ng Bulacan kung saan, mga isang buwan pa lamang ang nakakaraan, ay isa ring farm manager ang pinatay.

Hanggang kailan pa ba mananahimik, magsasawalang-kibo at matatakot tayong mga sabungero sa mga walang kaluluwang mga kriminal na sumasalanta sa ating kabuhayan at pumapatay sa ating mga kaibigan, kamag-anak o tauhan. Hanggang kailan ba tayo maduduwag at mababahag ang buntot samantalang walang habas tayong pinapahirapan ng mga magnanakaw ng manok at kanilang mga financers. Dapat na tayong magsama-sama at magtulong-tulong.

TOTOONG GRABE NA ANG KASAMAAN NG MGA MAGNANAKAW NG MANOK, SUBALIT DAPAT LAMANG NA SISIHIN DIN ANG MGA BUMIBILI NG NAKAW NA MANOK. Kung walang bumibili ng nakaw na manok eh di walang pagbebentahan ang mga kriminal at mawawalan na rin sila ng dahilan o motibo para patuloy na magnakaw.

SA MGA BUMUBILI NG NAKAW NA MANOK, dapat ninyong malaman na kayo ang may higit na kasalanan at kayo ay responsable sa pagkamatay ng maraming nilalang dahil kayo ang nagbabayad upang magpatuloy ang nakawan at ang mga pagpatay.

KAPAG TUMIGIL ANG BILIHAN, TITIGIL DIN ANG NAKAWAN.

IF THE BUYING STOPS, THE STEALING WILL STOP.

Habang bumibili kayo ng nakaw na manok, nagsisilbi kayong kasabwat sa mga nakawan at patayan. Sana ay usigin kayo ng inyong konsensiya sa tuwing may mabubuwis na buhay dahil sa pagnanakaw ng manok-panabong.


CONGRATULATIONS din kay dating Zamboanga City Mayor Manny Dalipe sa kanyang solo runner-up performance sa nakaraang 2006 Bakbakan 9-Stag National Derby resluta ng kanyang 8-panalo at 1-tabla na record.

No comments:

Post a Comment

SABONG IS HERE TO STAY

SABONG IS HERE TO STAY
COCKFIGHTING FOREVER