REMATE – July 3, 2007
Senyales ni Rolando S. Luzong
SA LUPAIN NG MGA LAWIN
Sa kauna-unahang pagkakataon, matapos ang maraming paanyaya noon pa, ay nakarating din ako sa Crowsland Game Farm ni Cong. Lawrence Wacnang. Kitang-kita ko ang pagkasorpresa at kasiyahan sa mukha ni Cong. Wacnang ng makita ako pagbaba ko ng aming sasakyan.
Si Cong. Wacnang ay kilala sa larangan ng sabong sa kanyang regular entry name na Crowsland. Matagal ko silang naging suki (kasama ang kanyang handler-trainer na si Butchoy) nang ako pa ang General manager ng Roligon Mega Cockpit. Maraming ulit na nagkampiyon ang Crowsland sa Roligon noon. Idagdag pa rito ang kanilang pagkapanalo ng Breeder of the Year sa Laguna Gamefowl Breeders Association.
Napakaganda ng Crowsland Game Farm. Ayon kay Cong. Wacnang, tuwang-tuwa siya dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay nakapag-produce sila ng 800 stags o tinale. Ang regular production nila ay mahigit 400 heads lamang. Maliban dito, kitang-kita ang lusog at sigla ng kanyang mga bagong palabas.
Nang biniro ko siya kung mas dapat katakutan ang mga manok niya ngayon na may panahon na siya upang direktang tumutok sa kanyang mga alaga ay natawa lamang siya. Matagal na kasing kinakatakutan ang Crowsland entry.
For the first time ay babalik sa private life si Cong. Wacnang matapos siyang matalo sa kauna-unahang pagkakataon sa kanyang public service at political career. Isang magaling na abogado, si Wacnang ay matagal na nagsilbi bilang fiscal at maraming terms na nanungkulan bilang Congressman at bilang Governor ng Kalinga. Nitong nakaraan eleksiyon natalo siya sa kanyang muling pagtakbo para sa posisyon ng gobernador. Napaslang ang kanyang Vice Governor ng Kalinga na ibinintang sa kanya. Nang kumandidato ang maybahay ng napatay na bise-gobernador laban kay Wacnang, namayani ang sympathy vote na naging daan ng pagkatalo ni Wacnang. Tapos na ang halalan nang sumuko ang killer at umamin na desisyon lamang niya ang pagpatay sa Vice Governor upang ipaghiganti ang kanyang tiyuhin. Umano, lahat ng kapartido ni Wacnang ay nagwagi maliban sa kanya. Maging ang kanyang Vice Governor na si betan Joel Baac ay nanalo din.
Sa iyo Cong. Larry Wacnang, maraming salamat sa mainit na pagtanggap niyo sa amin at sana’y ma-enjoy mo ang muling pagiging ordinaryong mamamayan. Kita tayo sa sabungan Cong.
RGBA GENERAL MEMBERSHIP SEMINAR
Tumawag po sa akin ang pangulo ng Rizal Gamefowl Breeders Association upang ipaabot na ang nakatakdang RGBA Gamefowl Management Seminar ay gaganapin sa Sabado, July 21 sa Manolo M. Lopez Development Center sa Antipolo City.
Ang mga naimbitahan speakers ay sina Jezry Palmares, Lancey de la Torre at Edwin Aranez na magbibigay ng kanilang mga kaalaman at karanasan sa pagpapalhi ng manok-panabong.
Ang sinuman sa 143-members ng RGBA na dadalo ay walang babayaran subali’t ang mga hindi kasapi ay kailangan magbayad ng P300.
HATAW PINOY DERBY SA LAS PIÑAS
Inaanyayahan po namin kayong lahat sa Hataw Pinoy Spl. 3-Cock Derby sa Las Piñas Cockpit sa darating na Sabado, July 7. Katulong po namin sa nasabing pasabong si Mayor Nene Aguilar.
P350,000 po ang cash prize samantalang P5,500 ang entry fee at ang minimum bet.
Manood po kayo at magandang labanan ‘to. Maging si Cong. Wacnang at Vice Mayor Joel Baac ay may entries mula sa Kalinga.
MALIGAYANG KAARAWAN sa apo ni Pareng Ernie Suarez at anak ni Larry Siarez na si Carl sa darating na Biyernes, July 6.
MARAMING SALAMAT pos a lahat ng dumalo sa pamiting na ipinatawag ng grupong PARA SA BARANGKA noong nakaraang Linggo. Mabuhay po kayo.
No comments:
Post a Comment