Thursday, July 12, 2007

Remate (July 12, 2007)
SENYALES ni Rolando S. Luzong

WALA – MERON

Madalas na me nagtatanong sa akin, sabungero man o hindi, kung ano ang ibig sabihin ng WALA at MERON na senyas sa magkabilang dulo ng ruweda. Mabuti po siguro ay talakayin natin sumandali ito.
Noong araw ang isa sa dalawang nagbibitaw ng magkalaban manok isang sultada ay nilalagyan ng sumbrero sa ulo upang maipaalam sa mga nanonood kung alin manok ang may mas malaking pusta o parada. Ito ay upang matiyak din ng mga pumapago kung saan sila nakapusta.
Ayon sa aking kumpare na si Fred Canumay, beteranong empleado ng maraming sabungan pati na sa Teresa Square Garden noong araw, ay noong mga huling taon ng dekada-70 nang unang ipatupad ang WALA-MERON at ang unang nag-implementa ng WALA-MERON at nag-alis ng sumbrero ay si Demy Flores na kinilala sa kanyang galing magpasabong.
Bagama't kahit sa Bisaya ay matagal na rin ginagamit ang mga senyas na AGAO-BIYA ay sumisigaw pa rin ang mga kristo ng MAY KALO at WAY KALO na ang ibig sabihin ay “may sumbrero” at “walang sumbrero”.
Isang panuntunan na ang manok na may malaking pusta ang siyang nasa MERON at ang pinapapaguhan naman ang nasa WALA.
Maliban sa paglalagay ng WALA-MERON ay kinailangan na din na may ilaw ang mga senyas na ito na kung nakabukas ang ilaw ay nagsasaad na ito ang llamado at ito ang itinatawag. Meron din naman pagkakataon na parehong nakabukas ang ilaw ng WALA at MERON kung ang magkalabang manok ay parehong itinatawag o sadyang patas ang dami ng mga nanonood o namumusta na panig sa MERON at gusto sa WALA.
Samantala, kahit na sabihin na ang ang panuntunan ay nasa MERON ang mas malaki ang pusta, me mga pagkakataon din na ang manok na may maliit na pusta ay nalalagay sa MERON. Dito pumapasok ang negosyo ng sabungan o nang llamador.kung halimbawa ay pangit ang manok na may malaking parada samantalang ubod naman ng ganda at kilala ang manok na may maliit na pusta. Ang ginagawa ng ibang mauutak na mga llamador ay ilalagay sa MERON ang may maliit na pusta at pagkatapos ay papapaguhan pa ang manok na may mataas na parada. Sa ganitong paraan ay nakakasiguro ng panalo ang llamdor kahit wala siyang puhunan.
Kung P110,000 ang parada ng pangit na manok at P33,000 lamang ang maganda at kilalang manok ay ilalarga na ito ng llamador. Dito ay lumalabas na nakapusta siya sa MERON ng P77,000. Kapag naliyamado na ang MERON sasahod ang llamador sa WALA. Kung halimbawa ay sampu-anim ang logro pwedeng isahod ang P60,000. Kapag nanalo ang MERON, kakabig ng P70,000 (bawas na ang plazada) at pagkatapos ay magbabayad ng P60,000 kaya may matitira na P10,000. Kapag nanalo naman ang WALA ay kakabig ng P100,000 at magbabayad ng P77,000 kaya may matitirang P23,000. Kahit sino manalo, kita ang llamador kahit walang puhunan. Dito rin naman nadidisgrasya o nasasabit ang llamador dahil kung hindi ma-llamado ang iniligay niya sa MERON na maliit ang parada ay magkukumahog naman siya na maipusta agad sa parehas ang dala-dala niyang pusta. Sa ganitong sitwasyon, abono ang llamador kahit sino ang ang manalo.
Kaya kung maliit ang pusta n'yo at ilagay kayo sa MERON ng llamador, alam n'yo na kung bakit. Maliwanag?


KALISKIS-PALAYOK

Apatan ang paraan nang pagbibilang sa kaliskis ng manok mula panggitnaang daliri hanggang tapat ng tahid. May katapat na kahulugan ang bawat bilang na 1-2-3-4. Kung ano ang huling kaliskis na tumapat sa tahid, iyon ang kargada o birtud na dala ng isang manok.

Ganito ang kahulugan ng bawat numero o bilang. Uno-ginto; Dos-pilak; Tres-kampit o patalim; Kuwatro-palayok.

Karaniwang bilang ng kaliskis na tumatapat sa tahid ay 26, 27, 28, 29, 30 at 31. Kung numero 26, pilak o pera ang ibig sabihin nito. Kung 27, kampit o patalim ang galing na taglay. Mahusay sa panalo ang dala ng ganitong senyales. Kung 28, palayok o dapat lang katayin ang manok dahil walang galing na ibubuga. Kapag 29 naman, ginto o malaking karangalan ang ibinabadya ng kaliskis na ito. Ang 30 ay pilak at ang 31 naman ay kampit.

Sa ganitong punto, ibig kong pansinin ang bilang na 28 o tinatawag na kaliskis-palayok sa kaliwang paa ng manok. Kamatayan ang dala nito dahil sa petsa 28 ng ipapatay ni haring Herodes ang mga sanggol sa Betlehem sa pagtatangkang lipulin ang mga batang inaakalang kinabibilangan ni Hesukristo na hinulaang hahalili sa kanyang paghahari.

Kung ang bilang ng kaliskis ay parehong 28 sa magkabilang paa, maaaring sumikat ka kung marunong kang magdala nito sa laban. Mag-ingat sa pagpili ng kalaban. Maaring patayin ng 28-28 na senyales ang makakaenkwentro pero may panganib na iwanan o ayawan nito ang kalaban. Hindi ito tutuka sa kareo. Tabla o talo sa laban ang ganitong manok. Kumbaga sa tao, naghuhugas ng ng kamay pagkatapos magdesisyon. Tumatanggi o umaayaw at nagdadalawang-isip. Ganyan ang senyales na 28-28 o kaliskis-palayok.

Kapag nakatagpo ng ganitong senyales at naipanalo sa unang laban, asahang mananalo pa sa mga susunod niyang laban ang nasabing manok.

Halaw sa Roosterman ni Totoy de la Cruz


http://sabong-news.blogspot.com/

Doon po sa mga nais mabasa ang mga nakalipas kong mga artikulo at columns, inaanyayahan ko po kayo na bisitahin ang aking blog sa http://sabong-news.blogspot.com/ at doon ay makikita n’yo ang mga write-ups ko Sa mga may nais naman pong ipaabot na mga mensahe o pabati, maari po ninyo akong padalan ng e-mail sa rluzong2000@gmail.com

Kung tungkol naman po sa tv program na Hataw Pinoy, maari po kayong mag-email sa hpinoy@gmail.com

GET WELL SOON sa katambay na si Potpot Antonio na na-confine sa Delgado Hospital dahil sa trangkaso> Pagaling ka na at birthday mo na sa Linggo, kaya kakantahan na rin kita ng (ave maria tune) “Hapi, hapi, hapi birthday to you, hapi, hapi , hapi birthday to you”.

No comments:

Post a Comment

SABONG IS HERE TO STAY

SABONG IS HERE TO STAY
COCKFIGHTING FOREVER