Remate (August 2, 2007)
SENYALES ni Rolando S. Luzong
TUMAKBO ANG MANOK MO?
Kung tumakbo man ang manok mo sa gitna ng laban, huwag kang malungkot dahil hindi lang sa iyo nangyari ‘yan. Maliit o bigtime na breeder o cocker man ay kahit papaano ay nakaranas na tumakbo o umayaw ang isang manok na inilaban.
Natatandaan ko pa nang minsang sumali ang isang kinikilalang sabungero na dating mataas na opisyal ng gobyerno. Isang mayor ang handler ng kanyang manok at balitang-balita na ang dating ambassador na amo ay dadating.
Tumawag pa ang sekretarya ng nasabing Big Boss at nagpareserba ng sampung ringside seats.
Dumating ang entourage ng entry owner mga dalawang sultada bago ang aktuwal na laban ng kanilang manok, bagama’t hindi sila umupo sa ringside at dumerecho na lamang sa itaas na corridor ng Roligon Mega Cockpit.
Siyempre pa, llamadong-llamado ang manok ni Bosing, e biruin mo naman, sa yaman niya ay talagang lahat na ng pinakamagagandang breeding stocks ay pwede niyang mabili. Kaya din niya na bilin ang lahat ng pinakamasustansiyang patuka , bitamina at gamot para sa kanyang mga manok, apt na ang serbisyo ng pinakabatikang mga handlers at mananari.
Hayun, matapos ang matagal-tagal na tawagan ng pusta at pagpapainit sa dalawang magkatungggaling manok pumorma na.
Eh di binatawan na. Nagpormahan. Nagsukatan. Nagsalpukan. Hindi nagkatamaan. Nagsalpukan ulit. Hindi pa rin nagkatamaan, pero ang manok ni Bosing, lintik ang bilis ng takbo.
Halos hindi pa tapos masentensiyahan ang sultada ay mabilis pa sa alas kuwatro lumakad palabas ng sabungan ang sikat na owner kasunod ang kanyang mga alalay.
Diyan nagkakaparehas ang mga sabungero at iyan ang isang dahilan kung bakit patuloy na dumadami ang pumapaloob sa mundo ng sabong. Ang katotohanan na sinuman ay maaring talunin ninuman ay isang hindi nakasulat na batas na hindi mabubura sa larangan ng sabong.
BAKIT TUMATAKBO AT UMAAYAW
ANG ISANG MANOK-PANABONG?
.
Suriin natin ang ilang mga bagay na maaaring dahilan ng ganitong pangyayari :
a) Lahing duwag ang manok.
b) Wala sa tamang timbang (fighting weight)
c) Kulang sa alaga o payat
d) Nasaksak ng tari ang bayag.
e) Nasobrahan sa gamot na pampakilos
f) Labis o bugbog sa ensayo (sparring)
g) Wala sa tamang gulang ng ilaban
h) Inbred ang pagkakapalahi
i) Nasugatan o nasaksak ang bituka at nabulahaw ang mga bulate
j) Lumiit ang bayag sa labis na saksak ng steroids at hormones
k) Maaaring tinamaan ng CRD at pollorum ang manok
l) Nakdama ng labis na stress
m) Biktima ng Mycoplasma Gallisepticum Bacterium
n) Tinamaan ng garol ng tari ang ulo at nawalan ng ulirat.
o) Nabugbog sa range ng maliit pa.
No comments:
Post a Comment