Remate (August 4, 2007)
SENYALES by Rolando S. Luzong
HUWAG NATIN SILANG BIGYAN
NG DAHILAN
Sa kasalukuyan ay malaganap, masigla at maunlad ang sabong sa Pilipinas. Walang masyadong nakikialam sa atin na ibang bansa dahil malayo naman tayo at hindi naman natin naiimpluwensiyahan sila, bagama’t tulad nang mga naisulat ko na noon ay pailalim at tahimik na gumagalaw ang mga galamay ng mga kalaban ng sabong upang kunin ang loob at hubugin ang isip nang ating mga anak at ang mga parating na henerasyon upang paniwalain sila na masama ang sabong.
Aminin natin na malaki, matindi, makapangyarihan at masalapi ang Humane Society for the Prevention of Cruelty to Animals at ang People for the Ethical Treatment of Animals. Sa tuwing manonood tayo ng mga Hollywood movies, mapupuna ninyo sa ending ang paalaala na “The HSPCA certifies that no animals were hurt during the making of this movie”. Isang halimbawa lamang ‘yan ng kanilang lakas. Paano lumabas ang mga batas na laban sa sabong sa Amerika? Gumastos ng malaking lobby money at nagbitaw ng milyong-dolyar na media campaign funds ang mga anti-cockfighting forces para dito.
Sa ngayon ay nasa aktuwal na pagbatikos at pagdepensa sa sabong pa lamang ang labanan ditto sa atin. Sa ganitong tunggalian, kung magbabantay lamang tayo nang mabuti ay mahihirapan silang manalo.
Ang tanong : Kung magpapatuloy ang kasalukuyang pagpapalabas nang Philippine cockfighting ng live sa internet at dumating na sa punto na mapagbibintangan at pag-iisipan tayo ng Amerika at ng mga bansa sa Europa na ine-export natin ang sabong at mabuo sa utak nila na maaring maimpluwenshiyahan din ang kanilang mga mamamayan, hindi kaya sila kumilos upang ikondena rin tayo at ating bansa. Huwag na nating hintayin ito.
Lubhang napaka-makapangyarihan at napakayaman nang mga kalaban ng sabong sa Amerika at sa Europa, alam nating lahat yan. Huwag nating sabihin na hindi nila tayo kaya dahil sa talagang matindi ang sigla ng Philippine cockfighting. Pero, alam ba ninyo kung gaano kapopular ang American cockfighting noon? Ang tandang; gamebird o rooster ay natalo lamang nang isang puntos sa bald eagle bilang national bird ng Estados Unidos. Mismong sa White House ay ipiniprisinta ang sabong ng mga unang presidente ng Amerika upang aliwin ang kanilang mga dayuhan bisita. Mas titindi pa ba tayo doon?
Huwag nating ipilit ang internet cockfighting para lamang sa ating pansariling pakinabang at kasiyahan. Baka sa pagpipilit natin ay sirain pa natin ang ating bansa sa international community.
Paano kung dahil sa mga internet cockfighting ay i-project tayo nang mga kalaban ng sabong bilang mga taong walang-awa; barbaric at sugarol. Paano kung kumbinsihin nila ang kanilang mga mamamayan na huwag nang pumunta sa Pilipinas para magturista?
Ayos na ang Philippine cockfighting. Masaya, masigla, malakas, maunlad, marami ang binubuhay at walang nakikialam na ibang bansa. Tama na ito. Huwag na tayong magsisigaw at baka magising pa ang mga kalaban at huwag na rin tayong magtatalon dahil baka matapakan pa natin ang bahay nang mga “langgam”.
BUMABATI PO ang Team Hataw Pinoy kay Councilor Tony Tabora ng Baguio City at kay Dan Castillo ng Elizabeth Inn. Gayundin nagpapasalamat kami kay Sir Jet Fernando sa mainit na pagtanggap niya sa amin sa kanyang farm sa Tanay, Rizal.
No comments:
Post a Comment