Batas para sa sabong
Ni Rolando S. Luzong
Ang Animal Welfare Act na nagpo-protekta sa mga hayop tulad ng aso, pusa, ibon, at maging ahas at iba pang mga reptiles ay naisabatas sa ilalim ng ating mga ilong. Ang batas na ito ay masusing isinulat sa paraang binanggit ang dog-fighting at horse-fighting, ngunit ang kilala at laganap na cockfighting (sabong) ay iniwasang masambit. Bakit? Dahil, marahil, ang mga pwersang laban sa cockfighting tulad ng Humane Society for the Prevention of Cruelty to Animals (HSPCA) ay kumbinsidong hindi pa hinog ang panahon para sagupain nila ang Filipino cockers at ang mayabong na industriya ng gamefowl breeding.
Oo, ang Animal Welfare Act ay nakapwesto na mahigit dalawang taon na ang nakalilipas. Mabuti naman. Subalit, kung ating lilimiin sa isipan ang mga aspeto na nagdala sa paglikha at paghahanda ng nasabing batas at ikukumpara ito sa isang bagay, tayo ay mababahala sa maraming hindi kaaya-ayang konklusyon.
Alam na natin ang malaking pinansyal na kakayahan ng mga anti-cockfigthing forces at sila ay gumagasta ng milyones na lobby money na siya namang sumpa ng American cockers dahil wala silang resources upang kahit papaano ay tuligsain ang hataw ng kalaban sa isang patas na paraan. Sila ay hindi naman kapos sa bilang, ngunit sila ay siguradong kapos sa bala, kumbaga.
Ang Animal Welfare Act ay batas na sa ating bansa matapos lamang ang kumulang 10 taong puspusang kampanya ng HSPCA. Ang pagkain ng karne ng aso bilang pulutan ay higit na nabawasan dahil sa media education. It ay isang magandang pagsulong, gayong, marapat lamang na payagan natin ang ating mga cultural minorities sa mga bulubunduking lalawigan na ipagpatuloy ang kaugalian ng pagkain ng karne ng aso na kung saan ito ay pinaniniwalaan nilang may medicinal values at nakakatulong sa kanilang katawan upang labanan ang malamig na klima sa bundok.
Ang mga galaw ng HSPCA ay mabagal, ngunit tumpak at kalkulado. Habang sila ay gumagasta ng pisong milyones para sa kampanya sa media, pinangangalagaan din naman nila ang kanilang mga tagumpay at sinisigurong hindi mabawi ang mga teritoryong kanilang napanalo sa pamamagitan ng pagbabantay ng mga batas na panig sa kanila at ayon na rin sa kanilang mga plano at hangarin.
Para sa HSPCA at ang iba pang pwersa laban sa cockfighting, ang oras ng pagtatanim ay matagal ng nasimulan ngunit nananatili pa ring mataas na prayoridad hanggang sa kasalukuyan. Ang oras ng pag-ani ay nagsimula na at sinisimulan na nilang pulutin ang mga prutas. Ang Animal Welfare Act ay isang malaking tagumpay para sa HSPCA, ngunit ang pagsakop ay nag-uumpisa pa lamang. Siyempre, ang kanilang pinaka hanganrin ay ang tuluyang puksain ang kaugalian na sabong sa Pilipinas tulad ng kanilang nakamit sa Estados Unidos.
Karamihan sa ating mga sabungerong Pinoy ay magsasabing, “Hindi sila magtatagumpay dito.” Maaari, maaaring tama sila, ngunit kung iko-konsidera natin natin ang naging tagumpay nila sa Amerika, marahil tayo ay huminto muna sandali at suriin ang kasaysayan. Noong kasagsagan ng sabong sa Amerika, ang mga tandang ay inilalaban sa White House upang aliwin ang mga panauhing pang-estado. Ang mga founding fathers na sina George Washington, John Adams, at Abe Lincoln ay mga aktibong sabungero. Ang mga malalaking derbies ay ginaganap sa Madison Square Garden. Kaya naman, ang sabong ba ay mas kilala sa Pilipinas o ang laro ay mas tanggap sa Estados Unidos? Ikaw na ang humusga.
Bago tayo maging isa ring Amerika sa proseso, na kung saan ang kalayaan ay inabuso ng isang grupo ng tao upang pigilan ang ibang grupo ng tao mula sa pag-e-enjoy ng kanilang kalayaan, dapat tayong kumilos ngayon upang unahang pigilan at pahintuin sila sa kanilang pagragasa.
Alam ng HSPCA na ang batas ay mabisa nilang sandata. Kung gayun, marapat lamang na naisin nating magpasa ng batas na mangangalaga, magpapatuloy na sususog ng ganitong gawain, at higit sa lahat ay magpapa-unlad ng industriya ng gamefowl breeding at sabong sa buong bansa.
Isang batas na magde-deklara na ang sabong ay isang unique cultural heritage ng mga Filipino ang dapat na maipasa, kasama ang lahat ng mga protective clauses na sisigurong matapos ang Cockfights Protection Law ay mapirmahan, na wala ng ibang batas ang isusulong laban dito. Maari nating sabihin na ang sabong sa Pilipinas ay hindi makakanti sapgkat mayroon tayong malaking bilang ng mga opisyal ng pamahalaan, political leaders, at siyempre mambabatas na kasali sa cocking community. Ito ay nakapagpapalakas ng loob, ngunit tanging batas lang na magde-deklara na ang cockfighting o sabong bilang laro o bahagi ng kultura ang maaaring makapagpanatag ng ating isip.
No comments:
Post a Comment